Ang mga babae sa buhay ng binatang Pangulo

1:40:00 AM

Ang mga babae sa buhay ng binatang Pangulo
FIDEL R. JIMENEZ, GMA News06/28/2011 | 07:11 PM


Maliban siguro sa kung papaano niya pinapatakbo ang gobyerno at lulutasin ang problema ng kahirapan sa bansa, ang love life ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III ang isang bagay na tinutukan ng publiko nang husto sa unang taon niya sa Palasyo.

Bakit nga ba sa mga babaeng naugnay sa kanya ay nananatiling binata ang ating 51-anyos na pangulo?

Para malaman ang kasagutan, ilang taong malapit kay Aquino ang tinanong ng GMA News Online. Pero dahil ilang beses nang nakiusap ang kauna-unahang binatang pangulo na ibalato na lang sa kanya ang kanyang privacy – lalo ang kanyang love life – nakiusap rin ang mga taong nakapanayam natin na huwag nang banggitin ang kanilang pangalan dahil sa pare-parehong pabirong katwiran na, “mayayari ako kay Presidente."

Sa magkakahiwalay na panayam, nagkakaisa sila sa paglalarawan kay Aquino na gentleman sa mga babae, hindi nagsasabay-sabay ng girlfriend, at higit sa lahat – hindi kiss and tell.

“Wala kang maririnig na kuwento sa kanya tungkol sa ex [girlfriend] niya," ayon sa isang aide ni Aquino. “Hindi makuwento ‘yan tungkol sa girlfriend niya. Kapag ayaw niyang pag-usapan yung ex (gf) niya, ibig sabihin may hindi maganda siyang nakita dun."




Clockwise: Grace Lee, Liz Uy, Patricia Ann, Barbie Paragos, Shalani Soledad, at Bunny Calica.Kung anong bilis daw na mabighani sa babae ang presidente, siya rin daw bilis na tabangan ito kapag may nakitang hindi niya gusto sa babae.

Marahil isa raw ito sa mga dahilan kaya hanggang ngayon ay nananatiling binata si Aquino, ayon naman sa isang kaibigang pulitiko ng pangulo.

Hindi matukoy ng pulitiko kung ano ang mga partikular na bagay na ayaw ni Aquino sa babae, pero napapansin daw nila ito kahit noong kongresista pa lamang ang pangulo. May mga babae raw na kinikilala ng pangulo at inaayang lumabas pero hindi naman nito tuluyang liligawan.

“May standard siya sa babae na tinitingnan, at mukhang mataas," anang pulitiko. “ Siguro sa ugali rin ng babae. Kapag may nakita siya na hindi niya gusto hindi siya magta-take ng risk na makasama yung babae for the rest of his life."

Ayon naman sa ilang mamamahayag na naging malapit kay Aquino, isa marahil sa mga dahilan kung bakit binata pa rin ang pangulo ay ang biglaang pagpanaw ng ama nito na si dating Senador Ninoy Aquino. Bente-tres anyos pa lang si Noynoy nang mapaslang ang kanyang ama noong 1983.

Mula nang mawala ang ama, si Aquino na ang nagsilbing tagapangalaga sa kanyang apat na kapatid na babae na sina Ballsy, Pinky, Viel, at Kris, at sa kanilang ina na si dating Pangulong Cory Aquino.

Nang makapag-asawa na ang lahat ng mga kapatid, siya ang naiwang kasama ng kanilang ina sa bahay nila sa Times Street sa Quezon City.

Bukod sa pagiging pihikan sa babae at mapagmahal sa kanyang pamilya, may isa pang nakikitang dahilan mga kaibigan ni Aquino kaya atubili itong mag-asawa – “trauma" sa karanasan ng mga kaibigang may-asawa na.

“Magandang ‘pases’ si ‘Noy," ayon sa isang kaibigan ng pangulo na nakapuwesto ngayon sa isang ahensiya ng gobyerno. “Kapag may gigimik na kaibigan at magdadahilan sa asawa na gagabihin o uumagahin, ang gagamiting alibi, kasama nila si ‘Noy."

Panatag umano ang mga asawa ng mga ni Aquino dahil wala itong bisyo at hindi mahilig sa mga night club, na malayo sa imahe ng mga pulitiko. Kapag nasa “gimikan" na kadalasan mga may tumutugtog na banda o kaya nama’y restaurant, paninigarilyo at pag-inom lang ng soft drinks ang ginagawa nito.

“Minsan may nasabi si presidente na parang mahirap ang may asawa na naghihintay sa ’yo pag-uwi. Kapag dumating ka ng alanganing oras, kailangan ipaliwanag mo bakit ka ganung oras umuwi," ayon naman sa isang mamamahayag na nakasama ni Aquino noong kongresista pa ito.

Pero kahit tila atubiling mag-asawa, sinabi ng mga nakausap ng GMA News Online na kilalang matuwain sa bata ang pangulo, lalo na sa kanyang mga pamangkin. Katunayan, halos sa poder ni Aquino lumaki ang pamangkin nitong si Joshua, anak ni Kris.

Type ni PNoy

Ano nga ba ang tipo ng babae na magpapatibok sa puso ng pangulo?

Magmula noong kampanya ng May 2010 presidential elections, pitong babae na ang naugnay kay Aquino.

Matapos ang break-up nila noong Oktubre 2010 ni Valenzuela Councilor Shalani Soledad na mahigit isang taon niyang naging girlfriend, naugnay ang pangulo sa isang Barbie Paragos na nakunan kasama siya sa isang restaurant.

Napaulat din na naka-date ni Aquino ang kanyang dating stylist na si Liz Uy, ganoon din ang stock broker na si Len Lopez. Nagkaroon din ng ingay ang tungkol sa isang Singaporean reporter na inimbitahan umano ni Aquino na pumasyal sa Malacanang.

Kahit ang TV5 reporter na si Patricia Ann Roque, 22 anyos at pinakabata sa lahat ng mga babae, ay na-tsismis din sa pangulo. Pero mabilis din naman itong namatay matapos kapwa nila sabihin na hindi pa nila nakikita ang isa’t isa.

Ang pinakahuli at sinasabing nakapunta na sa Bahay Pangarap na tinutuluyan ngayon ni Aquino ay ang 27-anyos na titser na si Bunny Calica.

Una silang napag-usapan nang manood ng concert ng bandang Hotdog. Sa isang ulat, mismong si Kris ang nagkuwento tungkol sa ginawang pagdalaw ni Bunny sa Bahay Pangarap kung saan ipinakilala ng pangulo ang kanyang mga pamangkin na sina Joshua at Bimbi – mga anak ni Kris.

Sinabi ng isang taga-Malacanang na patuloy ang “friendly dates" nina Aquino at Bunny. “Si Presidente na rin naman ang nagsabi na pwede rin namang mag-date ang magkaibigan," paliwanag niya.

Sa isang panayam noon sa kapatid ni Aquino na si Ballsy, nakangiting ikinuwento nito na napuna nila na kung noon ay nalalapit sa mga ka-edad ni Kris ang mga nauugnay na babae sa pangulo, sumunod naman ay nalalapit na sa edad ng kanyang mga pamangkin.

Ayon sa isang local government official na kaibigan ni Aquino, napapansin nila na mahilig ang pangulo sa mga maputi at simpleng babae.

“Si Presidente Cory, simpleng may-bahay. Parang ganun yung babae na hinahanap siguro ni Presidente (Aquino). Kahit nga si Presidente simple rin lang. Kaya kapag medyo may pagkamaarte yung babae at nagpapansin sa ibang tao, parang nate-turn-off yata siya," paliwanag ng opisyal.

Dagdag pa ng lokal na opisyal, bukod sa maputi ang balat, malakas din umano ang dating kay Aquino ng mga babae na matalino, at mahusay makinig at magsalita. Ito raw marahil ang isang dahilan kaya malakas ang dating ng mga babae kay Aquino na nasa media.

Sa inagurasyon ng isang coal power plant sa Cebu nito lang Hunyo 27, tila isa na namang taga-broadcast media ang nakabighani sa pangulo. Hindi nakaligtas kay Aquino ang kagandahan ng Kapuso host na si Grace Lee, na tumayong emcee sa naturang pagtitipon.

“Kaya pag inimbita ho ako sa Cebu, hindi ho talaga mahirap maimbita rito. Pati ang bisita nating si Miss Grace Lee, ‘kala ko tuloy Pinay e. Hindi nga pala, Korean. Pero pati yung mga Korean na dumarating talagang gwapa lahat" sambit ni Aquino.

Gimik nga lang ba?

Sa 75th anniversary ng Department of Budget and Management kamakailan na dinaluhan ni Aquino, ikinuwento nito sa kanyang talumpati ang ginawang paraan ni Sec. Florencio “Butch" Abad para mapag-usapan siya sa media noong una siyang tumakbong senador.

Si Abad ang nagsilbing campaign manager ni Aquino sa senatorial elections noong 2007 at presidential elections noong Mayo 2010.

“Noong araw, noong tayo’y nasa oposisyon at walang pera, nag-isip siya ng paraan, paano ba ako ipakikilala sa taumbayan? So ang ginawa po niya, mayroon pong isang sikat na artistang mang-aawit, at awa ng Diyos po ay naging laman kami ng mga ilang tabloid at diyaryo na hindi bababa ng walong buwan," kuwento ni Aquino.

“Ako po’y nagtataka, dahil minsan ko lang ho nakilala sa buong buhay ko itong tinutukoy na singer, at kinalabasan lahat raw ho ng concert pinanood ko, parang nagkakaigihan kami. Basta, walong buwan ho tumatakbo iyan, at ako’y nagtataka na talaga, paano pahahabain ang istorya na walang laman?" patuloy niya.

Dumating pa umano ang pakulo sa punto na may nagpapadala ng bulaklak sa singer at natatanggap naman. Ang lahat ay nangyari umano nang hindi alam ng pangulo.

Sa husay daw ni Abad na gumawa ng “fiction," natatawang sinabi ni Aquino na dapat naging manunulat ang kanyang kaibigang kalihim.

Wedding in the Palace?

Sa kabila ng ilang ulit niyang pakiusap sa media na bigyan ng privacy ang kanyang lovelife, ilang beses din naman niyang isinisingit sa kanyang mga talumpati ang kanyang pag-asam na makahanap ng magiging asawa.

Pinakahuli na rito ay ang pagbisita niya sa Cebu kung saan inilahad niya ang planong gamitin ang palasyo sa Cebu para maging madalas ang punta niya sa lalawigan. “Kailangan yatang buhayin ang Malacanang [sa] Sugbu. Baka dito na rin tayo magkatuluyan," ayon kay PNoy.

Kunsabagay, maging si Bunny na ipinakilala na niya sa kanyang mga pamangkin na sina Joshua at Bimbi ay tubong Cebu rin.

Sa isa pang pagtitipon, nabanggit din ng pangulo ang kanyang pag-asam na makapag-asawa bago matapos ang kanyang termino sa 2016, kaya naman marami rin ang naghihintay kung may magaganap nga kayang kasalan sa Palasyo sa unang pagkakataon.

Pero mukhang matatagalan pa ito. Ilang ulit na nag-text ang GMA News Online kay Aquino para makahingi ng update tungkol sa kanyang love life, partikular sa takbo ng kanilang “pagkakaibigan" ni Bunny, pero hindi ito sumasagot.

Gayunman, sinagot ng pangulo ang mala-Facebook na tanong tungkol sa kanyang “status" kung siya ba’y “single" or “in a relationship" sa ngayon.

Maigsi pero malinaw ang naging sagot ng binatang pangulo: “SINGLE." - YA, GMA News

You Might Also Like

1 comments

  1. I really like it whenever people get together and share thoughts.

    Great site, keep it up!

    Feel free to visit my web page :: iphone 5 nano

    ReplyDelete